Tinawag na Tsismis lang ni PNP Chief P/Gen. Oscar Albayalde ang umuugong na balitang sisibakin na umano siya sa puwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito’y makaraang pumutok ang usapin ng mga ‘ninja cops’ kung saan, nakaladkad din ang pangalan ni Albayalde nang ipalutang ang pangalan nito sa nakalipas na pagdinig ng Senado.
Una rito, umuugong ang pangalan ng kaniyang Deputy Chief for Operations na si Lt/Gen. Archie Gamboa na siyang itatalagang Officer – in – Charge sakaling ilabas na ang umano’y relief order laban kay Albayalde.
Sa naging panayam kay Albayalde, sinabi nito na bahala na ang Pangulo bilang Commander in Chief na mag-anunsyo hinggil dito subalit umaasa siyang hindi bahagi ng pamumulitika sa loob ng PNP ang paglutang ng nasabing isyu.
Ever since noon pa, we would like the PNP to be isolated from Politics… Let’s just wait. Let us not pre-empt the president kung anong magiging desisyon nya,” ani Albayalde.
Una nang iginiit ni Albayalde na ang lahat naman aniya ay may katapusan kaya’t ang malinaw sa ngayon ay magreretiro siya sa serbisyo at mapapalitan din siya sa puwesto.
Basta ako po ay isang public servant…and as the president said, we are all expendable and not indispensable… We are all public servants, we are government employees,” dagdag pa ni Albayalde.