Dumating na sa punong tanggapan ng Pambansang Pulisya sa Kampo Crame si Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa.
Agad dumiretso sa tanggapan ng Criminal Investigation and Detection Group o CIDG si Espinosa sakay ng police mobile kasama ang kanyang abogado.
Magugunitang sumuko kamakailan si Espinosa makaraang umamin na protektor siya ng droga sa kanyang bayan habang drug lord naman ang kanyang anak.
Inaasahan ding magpapaliwanag si Espinosa sa pulisya hinggil sa nangyaring engkwentro sa kanilang tahanan kaninang umaga sa pagitan ng pulisya at ng mga pinaniniwalaang tauhan nito.
Samantala, inaalam pa ng Pambansang Pulisya kung mga tauhan nga ni Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa ang mga naka-engkuwentro ng mga pulis sa harap ng tahanan nito kaninang umaga.
Kasunod nito, sinabi ni S/Supt. Dionardo Carlos, tagapagsalita ng PNP, hindi rin nila matiyak kung kay Espinosa nga ang mga nakumpiskang matataas na kalibre ng baril sa bahay nito.
Batay sa datos ng PNP Firearms and Explosives Office, isang shotgun, isang 9mm at isang caliber 40 na pistola ang nakaparehistro sa pangalan ng alkalde.
Gayunman, nilinaw ni Carlos na hindi pa tiyak kung may isasampa silang kaso laban sa alkalde habang nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng kanilang mga tauhan sa lugar.
By Jaymark Dagala | Jonathan Andal (Patrol 31)