Nag-alay ng panalangin ang onscreen couple ng Eat Bulaga na sina Alden Richards at Maine Mendoza a.k.a Yaya dub para sa nasawi sa pag–atake ng mga terorista sa Paris, France nitong Biyernes.
Gamit ang hashtag na Prayer for Paris, hinikayat ng dalawa ang kanilang twitter followers para makiisa sa malawakang panalangin para sa mga pamilya ng nasawi at nabiktima sa malagim na terror attack.
Nakiisa rin sa nasabing panawagan ang ilang kilalang personalidad, kabilang na sina KC Concepion at Solenn Heusaff na kapwa nanirahan sa Paris ng ilang taon.
Ipinahayag naman ng Kapamilya actors, Enchong Dee, Matteo Guidecelli, Rayver Cruz, Gretchen Barreto, Julia Baretto at Gerald Anderson, ang kanilang pagka lungkot para sa maituturing na ’10 horrific minutes’ na nangyari sa Paris.
Matatandaang, binalot nang lagim ang buong France matapos ang pamamaril at pambobomba ng Grupong Islamic State of Iraq and Syria o ISIS, na ikinasawi ng aabot sa 129 katao.
By: Mark Gene Makalalad