Kumpiyansa ang Department of Justice na kayang sagutin ni Solicitor General Jose Calida ang lahat ng mga akusasyon laban sa kaniya.
Ayon iyan kay Justice Secretary Menardo Guevarra na nagsabing walang dahilan para imbestigahan si Calida dahil sa mga kontratang pinasok umano ng kaniyang security agency sa mga ahensya ng pamahalaan.
Ang mahalaga ayon kay Guevarra, walang nalalabag ang security agency ni Calida sa mga pinapasok nitong kontrata sa ilalim ng mga umiiral na procurement law.
Gayunman, sinabi ni Guevarra na maingat nilang babantayan ang naturang usapin lalo’t kabilang ang DOJ sa mga ahensyang pinasukan ng kontrata ng Vigilant Investigative and Security Agency na pagmamay-ari ng Pamilya Calida.