Iimbestigahan ng Kamara ang mga alegasyon ng korapsyon at iba pang anomalyang ikinakabit kay P.C.S.O. General Manager Alexander Balutan at P.C.S.O. Board member Sandra Cam.
Nakasaad sa House Resolution 1599 na inihain ng Makabayan Bloc, inaatasan ang House Committee on Good Government and Public Accountability na imbestigahan “in aid of legislation” ang mga iregularidad sa P.C.S.O.
Kabilang sa iimbestigahan ang ibunyag ni Cam noong nakaraang taon na magarbong Christmas Party ng ahensya sa EDSA Shangri-La Hotel, Mandaluyong na aabot umano sa 9.9 Million Pesos ang ginastos.
Sisiyasatin din ng kumite ang nasa 2 Billion Pesos lamang na inilaan na charity fund sa halip na 18 Billion Pesos, ang pagdedeklara ng kulang sa kita ng mga S.T.L. operator na nasa 15 hanggang 20 percent at ang 80 percent na kita ay ipinambabayad umano sa mga high-ranking official ng PCSO.
Dagdag din sa sisilipin ng Kamara ang alegasyon naman ni Balutan kay Cam na ginamit nito ang pangalan ni Pangulong Rodrigo Duterte para i-lobby sa P.C.S.O. na payagan ang gambling operator na si Charlie “atong” Ang na mag-operate ng S.T.L. sa buong bansa.