Mariing itinanggi ng Malakanyang ang alegasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na ninakaw at ibinenta na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang gold reserves ng bansa.
Sa press briefing sa Malacañang, binigyang-diin ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro na ang Bangko Sentral ng Pilipinas ang tanging nangangalaga at nangangasiwa sa gold reserves ng Pilipinas, at kailanman ay hindi ito pinakikialaman ng pangulo.
Tanong pa ni Usec. Castro, wala bang nagpapayo kay dating Pangulong Duterte na magsasabing regular activity ng bsp ang pagbibenta ng gold reserves.
Batay na rin aniya sa pahayag ng BSP, bahagi ng kanilang mandato na hindi dapat humawak ng sobra-sobrang ginto kaya may pagkakataon na dapat itong ibenta kung mataas ang presyo nito.
Wala namang plano ang palasyo na kasuhan si dating Pangulong Duterte kundi maglalabas lamang ng kontra-pahayag magpapakalat ng mga disinformation ang dating pangulo at mga kaalyado nito. – Sa panulat ni John Riz Calata