Itinanggi ng Department Of Health (DOH) ang alegasyon sa kanila ni Manny Pacquiao hinggil sa pagbili ng mga bakunang malapit na mag-expire.
Binigyang diin ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, sinusunod nila ang mga patakaran at protokols ng gobyerno na nagbabawal sa pagbili ng mga bakunang malapit na mag-expire.
Ipinaliwanag ni Vergeire na maaari lamang tumanggap o kumuha ng mga gamot na mayroong buhay na mula labingwalo hanggang 24 na buwan.
Una nang sinabi ni Pacquiao na may hawak itong mga dokumento na magpapatunay ng mga katiwalian sa DOH, kasama na ang sinasabing pagbili ng ahensya ng mga gamot na malapit nang mag-expire.
Bukod dito, sinabi din ng Senador ang mga iregularidad sa loob ng Energy and Social Welfare Department sa hangaring patunayan ang mga paratang sa katiwalian kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Samantala, nakapagsumite na ng budget utilization reports ang kagawaran kay Senator Pacquiao at hinihintay na lamang ang magiging tugon ng Senador.