Itinanggi ni House Minority Leader Danilo Suarez ang alegasyon na ginagawang gatasan ng ilang kongresista ang Road Board kaya’t isinulong ang pagbuwag dito sa administrasyon ni dating House Speaker Pantaleon Alvarez.
Binigyang diin ni Suarez na hindi ito nangyari at hindi mangyayari dahil napakaganda ng kanyang intensyon nang isulat niya ang bata na lumikha sa Road Board.
Inamin ni Suarez na naging bahagi sya ng Road Board nang matapos noon ang kanyang termino subalit bilang consultant lamang at hindi opisyal na tulad ng sinasabi ni Budget Secretary Benjamin Diokno.
Taliwas aniya sa inaakusa sa kanila ni Diokno, mga opisyal mismo ng Road Board ang dumulog sa kanila hinggil sa halos kalahating trilyong pisong mga proyekto na gustong papondohan sa kanila ng hindi nya tinukoy na mga opisyal nung panahon ni Alvarez bilang House Speaker.
Dahil dito, umaasa si Suarez na hindi lalagdaan ng Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang batas na bubuwag sa Road Board.
Matatandaan na pasado na sa bicameral conference committee ang panukalang pagbuwag sa Road Board nang biglang ipabawi ito ni House Speaker Gloria Arroyo.
Gayunman, nanindigan ang Senado na tapos na ang proseso at lagda na lamang ng Pangulo ang kulang upang tuluyang mabuwag ang Road Board.
on Budget Secretary Diokno
Itinanggi ng House of Representatives ang di umano’y pambubully ng mga kongresista kay Budget Secretary Benjamin Diokno.
Ayon kay House Minority Leader Danilo Suarez, napakasimple lamang naman ng tanong na dapat sagutin ni Diokno subalit pinapaikot-ikot pa ang isyu.
Nakapagtataka aniya nasa mahigit isang libo apat na raang (1,400) munisipalidad sa bansa at mahigit isandaang (100) mga syudad tanging ang Casiguran, Sorsogon at Sorsogon City lamang ang napagkalooban ng halos walumpung (80) bilyong pisong budget para sa imprastraktura.
Simple lamang rin aniya ang katanungan kung bakit iisang contractor ang nakakuha sa proyekto at bakit ito naisalang sa bidding bago pa maipasa ang budget.
Una rito, inakusahan ng ilang mambabatas si Diokno ng pagbibigay ng pabor sa biyenan ng kanyang anak na may koneksyon sa contractor na nakakuha sa proyekto.
Matatandaan na ginamit na ng Malacañang ang executive order noon ni dating Pangulong Gloria Arroyo na nagsasabing hindi puwedeng dumalo sa anumang pagdinig ng Kongreso ang isang miyembrong gabinete kung walang basbas ang Pangulo.
—-