Isiniwalat ng dalawang testigo ang umano’y mga tiwaling gawain sa loob ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Ito ay sa pamamagitan ng Inter-Agency Task Force na inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte na mag-imbestiga sa mga alegasyon ng katiwalian sa ahensiya.
Ayon sa Task Force PhilHealth, sinimulan na nila ang pagsisiyasat sa sinasabing P15-B kuwestiyonableng cash advance ng ahensiya sa ilang mga ospital.
Sa paunang pagdinig ng panel of investigators, inilahad ng dalawang hindi pinangalanang resource person ang matagal nang ginagamit na paraan ng mga opisyal at empleyado mula sa Central at Regional Office ng PhilHealth.
Nakikipagsabwatan umano ang ito sa ilang mga doktor, ospital at kahit bangko na nagsisilbi namang remittance centers.
Kabilang na anila rito ang pagbabayad sa mga pekeng claims, malversation o pangungurakot ng mga premiums at pang-aabuso ng ilang mga tiwaling personalidad sa case rate system at Interim Reimbursement Mechanism (IRM) ng PhilHealth.
Maliban dito, may tinukoy ring mga depekto sa legal department at IT office ng PhilHealth na nagiging dahilan kung bakit nagpapatuloy ang nabanggit na iligal na gawain.
Ang Task Force PhilHealth ay binubuo ng Office of the Ombusdman, Commission on Audit, Civil Service Commission, Presidential Anti-Corruption Commission, Office of the Special Assistant to the President, Anti-Money Laundering Council, NBI at National Prosecution Service ng DOJ.