Umalma ang mga mambabatas mula sa Kamara hinggil sa binitawang alegasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa mga miyembro ng makapangyarihang CA o Commission on Appointments.
Ito’y makaraang ihayag ng Pangulo na umiral ang lobby money ng mga mining companies sa mga miyembro ng komite para ibasura ang nominasyon ni dating Secretary Gina Lopez sa DENR o Department of Environment and Natural Resources.
Ayon kay Occidental Mindoro Representative Josephine Sato, umapela na siya kay CA Chairman at Senate President Koko Pimentel na simulan na ang imbestigasyon sa usapin lalo’t nabahiran ng dungis ang kanilang kredibilidad.
Mahalaga aniya ang nasabing imbestigasyon lalo’t nakalulungkot aniya na nagmula pa mismo sa Pangulo ng bansa ang alegasyon.
Kasunod nito, nakatakdang maghain naman ng hiwalay na resolusyon sa Kamara si Magdalo Partylist Representative Gary Alejano para imbestigahan ang alegasyon na ito ng Pangulo.
By Jaymark Dagala
Alegasyong lobby money kontra Gina Lopez ipasisiyasat was last modified: May 8th, 2017 by DWIZ 882