Iniimbestigahan na ng pamunuan ng Makati City Jail ang alegasyon ng mga preso na nagagamit sila sa pagbebenta ng shabu.
Ayon kay Senior Inspector Xavier Solda, Spokesman ng Makati City Jail, bagamat malabong mangyari ang mga ibinibintang ng mga preso, minabuti nilang magsagawa ng imbestigasyon upang hindi na maulit ang kaguluhan sa loob ng bilangguan.
Tiniyak ni Solda na iimbestigahan ang magkabilang panig, maging ang alegasyong pananakit ng mga jail guards sa mga preso at sa dinanas na harassment ng mga preso mula sa mga nagsilbing lider ng marahas na noise barrage sa Makati City Jail.
Sa ngayon aniya ay nailipat na sa Camp Bagong Diwa ang 11 preso na nagsilbing lider ng noise barrage.
“Dun pa lang sa pagdadayalogo sana napag-usapan na, kaso very violent lalo na yung maliit na grupo na nag-instiga ng gulo. Nakikipagdayalogo kami, binabato ng bote yung mga personnel namin dahil nasira na nila yung mga facilities sa loob, yung mga gamit nila, meron po kaming mga 5 na nasaktan.” Pahayag ni Solda.
By Len Aguirre | Ratsada Balita