Iginiit ng Philippine National Police o PNP na hindi nila polisiya ang magpakawala ng mga bilanggo para gamitin sa drug operations.
Ito’y ayon kay PNP Cheif P/Gen. Guillermo Eleazar kasunod ng alegasyon ni Sen. Risa Hontiveros na naging kalakaran na umano sa PNP ang pagpapalaya sa mga bilanggo bilang shortcut umano sa ginagawa nilang imbestigasyon.
Ayon sa PNP Chief, maaari lamang makakuha ng impormasyon ang PNP mula sa isang drug detainee kung mayroong utos dito ang korte depende sa kung gaano ito kasensitibo at kahalaga sa operasyon.
Magugunitang ibinunyag ni Hontiveros sa naging pagdinig ng Senado ang testimoniya ng isang Jonaire Decena alias Mama Jo na ginamit umano siyang impormante ng mga Pulis nang magkasa ito ng operasyon kung saan, nakasabay nito ang mga tauhan ng PDEA na nagresulta naman sa madugong misencounter.
Gayunman, ipinag-utos na ni Eleazar sa Internal Affairs Service o IAS ang pagkakasa ng imbestigasyon upang alamin kung anu-anong paglabag ng mga Pulis sa kanilang protocol at mga polisiya.