Pumalag ang militar sa alegasyong mga sundalo ang nanunog sa teachers cottage sa isang Lumad school sa Sibagat Agusan del Sur.
Sa statement na ipinalabas ng Eastern Mindanao Command, mga peke ang sinasabi nilang nakasuot ng uniporme ng sundalo na nanunog sa teachers cottage at tatlong nursery ng Alternative Learning Center for Agriculture and Livelihood Development o ALCADEV.
Sangay ito ng ALCADEV sa Han-ayan Lianga Surigao del Sur kung saan administrator si Emerito Samarca, isa sa tatlong Lumads na pinatay noong September 1 kasama ang Manobo leaders na sina Dionel Campos at Datu Bello Sinzo.
Wala namang napaulat na nasaktan sa sunog na nangyari sa ALCADEV sa Sibagat dahil lumikas na ang 10 guro at 24 na estudyante, isang linggo matapos ang patayan sa Lianga Surigao del Sur.
Isang Dr. Naty Castro ng grupong karapatan ang di umano’y nag ulat hinggil sa naganap na sunog sa ALCADEV.
Wala umanong binanggit sa report na mga sundalo ang lumikha ng sunog.
Subalit batay umano testimonya ng mga residente sa Padiay, dumating sa kanilang lugar ang mga sundalo ng 23rd Infantry Batallion, isang linggo bago mangyari ang sunog at nagtatanong kung bakit hindi pa sinusunog ang paaralan na syang ugat ng kaguluhan sa kanilang komunidad.
Matatandaan na sinasabi ng military na sa ALCADEV tinuturuan ng mga estudyante na suportahan ang New People’s Army.
By Len Aguirre