Umalma si Agriculture secretary Manny Piñol sa alegasyon na tinakot ng pamahalaan ang mga mangingisdang Pilipino para baguhin ang kanilang bersyon sa pagbangga ng Chinese vessel sa kanilang bangkang pangisda.
Inamin ni Piñol na nagkaroon sila ng closed door meeting, kasama ang mga mangingisda subalit ito ay upang linawin lamang ang magkakaibang mga pahayag ng bawat mangingisda.
Nilinaw rin ni Piñol na wala syang kinalaman sa deployment doon ng mga riot police.
Ayon kay Piñol, nagkasundo sila ng mga mangingisda na dapat magkaroon ng maritime inquiry sa pangyayari dahil hindi sila sigurado kung sila ay aksidenteng nabangga o sadyang binangga.
Gayunman, nakiki-isa anya siya sa mga mangingisdang Pilipino sa pagkundena sa pag-abandona sa kanila ng Chinese vessel gayung nakita na silang nahulog sa karagatan.
Pinoy fishermen maglalabas ng nagkakaisang pahayag
Maglalabas ng nagkakaisang pahayag ang mga mangingisdang Pilipino hinggil sa karanasan nila sa Recto Bank kung saan binangga ng Chinese vessel ang kanilang bangka.
Ayon kay Agriculture secretary Manny Piñol, nais nyang gawing pormal at ilagay sa dokumento ang mga napagkasunduan nila sa closed door meeting nya sa mga mangingisda.
Nais anya nyang magkaroon ng iisang posisyon ang mga mangingisda at ang pamahalaan kung sadya o aksidente ang pagkakabangga sa kanilang bangka.
Dahil dito, nagkasundo anya silang lahat na dapat isalang sa maritime inquiry ang isyung ito.
Sinabi ni piniol na nagkasundo rin silang lahat na dapat mapanagot ang chinese vessel dahil sa pag abandona sa kanila sa katubigan.
Tiniyak ni Piñol na ipababasa muna ng abogado sa mga mangingisda ang dokumento bago sila papirmahin.