Nagpasalamat si Tourism Assistant Secretary Frederick Alegre sa lahat ng mga sumuporta at tumulong upang maging matagumpay ang pagdaraos ng Miss Universe sa Pilipinas sa ikatlong pagkakataon.
Sa panayam sa DWIZ, espesyal na binanggit ni Alegre ang malaking naitulong ng private-public partnership sa pagsasakatuparan ng pagdaos ng prestihiyosong beauty pageant sa bansa.
“Dito natin nakita ang kahalagahan ng private-public partnership, nakita natin ang koordinasyon ni Sec. Wanda Teo sa private sector dahil hindi naman magagawa ng isang bahagi ng ating bayan ito, ‘Yung security aspect, kung hindi rin na-secure ang mga kandidata at ang mismong venue, hindi rin magiging successful ang pageant. Our work is not yet done hangga’t hindi nakakaalis ang mga Ms. Universe candidates.”
Matatandaang sinabi ni Tourism Sec. Wanda Teo noong nakarang taon na ang grupo ng dating gobernador ng Ilocos Sur na si Luis ‘Chavit’ Singson ang magpupunan sa pondong kakailanganin sa pangangasiwa ng Miss Universe. Dagdag pa ng kalihim, ang ilang mga pribadong sektor tulad ng Philippine Airlines, SM Group, Solar Entertainment at ang Japanese casino mogul na si Kazuo Okada ang mamumuno naman sa financing aspect sa hosting. Samantala, ang Department of Tourism naman ang mangangasiwa sa seguridad at paghahanda sa mga venues.
Samantala, sinabi rin ni Alegre na bukod sa malaki ang pasasalamat ni Paula Shugart, pinuno ng Miss Universe Organization sa mainit na pagtanggap ng mga Pilipino sa mga kandidata ng Miss Universe, pinuri niya rin ang Pilipinas bilang napakahusay na host ng Miss Universe.
“Si Paula Shugart sabi niya after the pageant, this is the best and well-organized Ms. Universe show in the past 65 years. Nakakataba ng puso becauses she’s been there as president of the organization for 16 years at para manggaling sa kanya ‘yun, salamat at nakita niya ang effort namin”.
By Ira Y. Cruz