Iginiit ni Magdalo Party-list Representative Gary Alejano na si Pangulong Rodrigo Duterte ang kakampi ng mga komunista at hindi ang Liberal Party (LP) o ang Magdalo group.
Ito ang inihayag ni Alejano matapos akusahan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang oposisyon na nakikipagsabwatan sa mga komunista para sa planong pagpapabagsak sa administrasyong Duterte.
Ayon kay Alejano, mismong si Pangulong Duterte ang may malapit na ugnayan sa komunistang grupo dahil noong panahong nag-aaral pa ito ng kursong political science sa Lyceum of the Philippines University (LPU) ay miyembro ito ng Kabataang Makabayan.
Sinabi pa ni Alejano, inamin din mismo ni Pangulong Duterte na nagbabayad ito ng revolutionary taxes sa New People’s Army (NPA) noong panahong alkalde pa ito ng Davao City at hinikayat pa ang mga negosyante na gawin din ito.
Dagdag ng mambabatas, nang mahalal naman bilang presidente, nagtalaga si Pangulong Duterte ng mga personalidad na mga kilalang kaalyado ng mga komunista.
Muli namang binigyang diin ni Alejano na walang katotohanan ang balitang ‘Red October’ na naglalayong patalsikin sa pwesto ang pangulo at mas lalo aniyang hindi totoong bahagi nito ang Liberal Party at Magdalo group.