Nakataas ang alert level 1 sa Bulkang Kanlaon sa Negros matapos itong makitaan ng abnormal na aktibidad sa nakalipas na magdamag.
Batay sa abiso ng Phivolcs kaninang alas-8 ng umaga, tatlong sunud-sunod na pagyanig ang naitala nila sa nasabing bulkan na sinabayan pa ng bahagyang pagbuga ng abo.
Dahil dito, binalaan ng Phivolcs ang mga residenteng malapit sa bulkan na maging laging naka-alerto at huwag munang lumapit sa paanan nito.
Mahigpit ding ipinagbabawal ang pagdaan ng mga sasakyang panghimpapawid malapit sa bunganga ng bulkan dahil sa posibilidad ng pagsabog nito.
Pagtitiyak ng Phivolcs, patuloy ang ginagawa nilang pagbabantay sa aktbidad ng bulkan upang agad silang makapagbigay ng abiso lalo na sa mga posibleng maapektuhan.