Hindi sang-ayon ang University of the Philippines (UP) Pandemic Response Team na ibaba pa ang alert level sa Metro Manila sa susunod na buwan.
Ayon kay Dr. Jomar Rabajante, tagapagsalita ng UP Pandemic Response Team, sa halip na sa Disyembre ay sa Enero 2022 na lamang ibaba ang alert level sa rehiyon.
Aniya, dapat na magdahan-dahan sa pagbaba ng alert level dahil posibleng magkaroon ng superspreader events pagsapit ng holiday season na dahilan upang muling sumirit ang mga kaso ng COVID-19.
Kahit marami na ang nabakunahan sa NCR, sinabi ni Rabajante na hindi naman nakakatitiyak na lahat ng mga pumapasok sa rehiyon ay kumpleto na sa bakuna.
Bukod dito, kahit aniya nasa alert level 2 pa lamang ay marami na aniyang hindi sumusunod sa health protocols. —sa panulat ni Hya Ludivico