Pinag-aaralan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHIVOLCS ang posibleng pagbaba sa level 2 ng alerto sa bulkang Mayon.
Gayunman, nilinaw ni PHIVOLCS Director at DOST Undersecretary Renato Solidum na hindi pa rin nila iniaalis ang posibilidad na ibalik sa level 4 ang alerto ng bulkan kung patuloy na magpapakita ng mga senyales ang bulkan sa mga aktibidad nito.
Magugunitang kahapon, ibinaba na ng PHIVOLCS sa level 3 ang alerto ng Mayon sa kabila ng patuloy na mga pagputok at paglalabas ng mga volcanic materials nito.
Tututukan ng PHIVOLCS sa loob ng dalawang linggo ang aktibidad ng bulkang Mayon bago magpasya kung ibababa pa o ibabalik sa dating pinakamataas na alerto ang sitwasyon sa Mayon.
—-