Itinaas na ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa alert level 3 ang kanilang alarma sa ilang distrito ng Libya partikular sa Tripoli.
Kasunod ito ng rekomendasyon ng Embahada ng Pilipinas sa Tripoli dahil sa nagpapatuloy na kaguluhan doon bunsod ng nararanasang civil war.
Sa abiso ng DFA, bukod sa kapitolyo ng Libya, sakop din ng alert level 3 ang labing tatlo (13) pang distrito sa paligid ng Tripoli na hanggang sa 100 kilometer radius ang layo.
Samantala, kasabay ng pagtataas ng alerto, magpapatupad na ang pamahalaan ng voluntary repatriation sa mga Filipinong nagtatrabaho sa mga nabanggit na lugar sa Libya.
Hindi na rin papayagan ang mga nagbabakasyong Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Pilipinas na makabalik ng Libya hangga’t hindi ibinababa sa alert level 2 ang alarma doon.
Maaari namang makipag-ugnayan sa embahada ng Pilipinas sa Tripoli ang mga OFW na nais nang umuwi ng bansa.
—-