Hindi pa uubrang ibaba ang alert level 3 status ng Bulkang Mayon.
Ayon ito kay PHIVOLCS Bicol Resident Volcanologist Ed Laguerta, bagamat bumaba na ang ilang pinagbabatayan.
Kabilang dito ang pagbaba sa buga na asupre o sulfur dioxide emission kung saan nasa mahigit 1,000 tonelada sa loob ng isang araw ang naitala sa pinakahuling volcano bulletin kumpara sa mahigit 3,000 tonelada noong nakalipas na araw.
Nananatili pa rin aniyang inflated ang bulkan habang tuloy-tuloy ang rockfall events na dulot nang pagdaloy ng lava na pumalo din sa 24 na beses.
Nagdadala din ito ng ashfall sa mga bayan ng Guinobatan at Camalig sa Albay na nasa timog kanlurang bahagi ng bulkan dahil sa kasalukuyang umiiral na hanging amihan.
Una nang nakabalik na sa kani-kanilang tahanan ang libo-libong evacuees sa Legazpi, Albay.
Ito ay matapos ang ilang araw ding pananatili sa evacuation centers dahil sa pagbuga ng lava ng Bulkang Mayon.