Itinaas na sa Alert Level 4 ng Philippine Institute of Volcanology ang Seismology (Phivolcs) ang status ng bulkang Taal.
Ito’y matapos lumakas ang aktibidad ng bulkan dakong 5:30 p.m. ngayong araw ng Linggo, Enero 12.
Batay sa pinaka-bagong abiso ng Phivolcs, nagpapatuloy ang pagbuga ng steam-laden tephra column, volcanic ash, at may kasabay na malalakas na pagkidlat sa bulkan.
Bukod dito ay nagpapatuloy rin ang pagtala ng volcanic tremor o paglindol simula pa kaninang umaga.
Ito ang pinaka mataas na alert level status kaya naman ay posible ang mapanganib na pagputok ng bulkang Taal sa loob ng ilang oras haggang ilang araw.
Pinangangambahan din ang pyroclastic density current o ang mabilis na daluyong ng napakainit na usok at abo, maging ang volcanic tsunami sa mga katabing lawa ng bulkan partikular sa Taal lake oras na pumutok ang bulkan.
Pinalilikas na ng Phivolcs ang mga residente na nasa high-risk na lugar sa loob ng 14-kilometer radius mula sa Taal Main Crater.