Nakataas pa rin ang Alert Level 4 sa Bulkang Taal.
Batay sa ipinalabas na bulletin ng PHIVOLCS kaninang alas-8 ng umaga, nangangahulugan itong nananatili pa rin ang posibilidad ng pagkakaroon nito ng mapanganib na pagsabog sa susunod na mga oras o araw.
PHIVOLCS 8AM Taal Update | Sa nakalipas na 24-oras, nakakapagtala pa rin ng mas madalang nang mahihinang pagsabog sa bulkan na nagbuga ng ash plumes na ang taas ay nasa 500-meters hanggang 1,000-meters. | via @JILLRESONTOC https://t.co/jnKCh7TPi0
— DWIZ Newscenter (@dwiz882) January 20, 2020
Kaugnay nito, muling binigyang diin ng PHIVOLCS ang pagpapatupad ng total evacuation sa Taal Volcano Island at iba pang mga lugar na natukoy bilang high-risk.
Ayon kay PHIVOLCS Director Undersecretary Renato Solidum, marami pa ring ipinakikitang senyales ang Bulkang Taal ng posibilidad ng pagkakaroon nito ng major eruptions.
Sa kabila aniya ng mga mahihinang pagsabog na lamang na naitalala.
Paliwanag ni Solidum, ang patuloy na paglalabas nito ng steam o mainit na singaw, pagkakaroon ng pagyanig o volcanic earthquakes at fissuring o pagkakabitak-bitak ng lupa, ay nangangahulugan pa rin ng unti-unting pag-angat ng magma.
Nagpapakita pa rin ng pagkilos ng magma at pagkulo ng tubig ang Bulkang Taal. Mas maraming gas ang ibinubuga ngayon ng Taal kumpara sa mga nakaraang araw,” ani Solidum. —sa panayam ng Ratsada Balita