Itinaas ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa alert level 2 o restriction phase ang Sri Lanka dahil sa security situation sa lugar.
Sa ilalim ng alert level 2, walang ide-deploy na Overseas Filipino Workers (OFW) sa Sri Lanka at tanging ang may existing employment contracts ang pinapayagang makabalik sa bansa.
Nakikipag-ugnayan naman ang DFA sa pamamagitan ng Philippine Embassy sa Dhaka para sa Filipino community sa lugar sa gitna ng malawakang protesta dahil sa kasalukuyang economic crisis.
Nilinaw naman ng DFA na walang Pilipinong naitalang nasugatan sa naganap na protesta.
Binigyang-diin din ng kagawaran na sa ngayon ay wala pang plano na ilikas ang mga Pilipino mula sa Sri Lanka.
Samantala, pinaalalahanan ng DFA ang mga Pilipino sa naturang bansa na manatili lamang sa kanilang mga tahanan, iwasan ang mga lugar na nagsasagawa ng protesta at ang pagsama rito.