Ibinaba na ng Department of Foreign Affairs o DFA sa Level 2 o restriction phase ang alert status sa Libya mula sa level 4 o mandatory repatriation.
Ito’y matapos aprubahan ni Foreign Affairs Secretary Perfecto Yasay ang rekomendasyon ng security assessment team na itinalaga sa Tripoli, Libya mula August 9 hanggang 13 kung saan isinaad nito na bahagya nang bumaba ang tensyon sa nabanggit na bansa.
Gayunman, alinsunod sa alert level 2 status ay may banta pa rin sa buhay, seguridad at ari-arian ng mga Pilipino na nakatira at nagtatrabaho sa ibang bansa.
Inaabisuhan pa rin anya ng kagawaran ang mga Pinoy sa Libya na iwasan ang mga pampublikong lugar at maghanda sa paglikas.
Samantala, ipinagbabawal pa rin ang pagpapadala ng mga OFW sa naturang bansa at tanging mga Overseas Filipino na mayroon pang valid contract ang maaaring makabalik sa Libya kung kanilang gugustuhin.
By Drew Nacino | Allan Francisco (Patrol 25)