Pinagsusumite ng Senate Blue Ribbon Committee ang Bureau of Customs o BOC ng record ng mga alert order ng ahensya sa nakalipas na tatlong taon.
Iniutos ni Senator Richard Gordon kay Customs Deputy Commissioner Gerardo Gambala na dalhin ang mga dokumento sa darating na Lunes sa mosyon na rin ni Senator Panfilo Lacson.
Ngayong araw ang ika-walong pagdinig ng Senado kaugnay sa P6.4 billion drug shipment mula China na nakalusot sa Customs noong Mayo.
“That should give us a very good indication because there are already several commissioners of Customs and as Senator Lacson adequately stated, na yun ang ginagamit pang-delay para makahingi ng pera.” Ani Gordon
Sinabi ni Lacson na ang mga nasabing dokumento ang magbibigay linaw kaugnay sa mga umano’y anomalya sa BOC.
“Gaano karami yung na-seize, gaano kalaki yung kinita ng gobyerno sa abandoned goods, kung ito ba ay na-bid out or na auction? Ilan naman yung hindi na in-inspect at inisyuhan na lang ng lifting order through intercessions of you-know-who?” Ani Lacson
Ayon kay Gambala ang alert order provision ay nagsimula noong 2015 sa ilalim ng Customs memorandum order na inisyu ni former Commissioner Alberto Lina.
“That’s the one we are following pending the IRR (implementing rules and regulation) for the CMTA (Customs Modernization and Tariff Act) dahil po dun sa CMTA, which was signed a year ago, andun na po yung alert orders,” Pahayag ni Gambala
Sa ilalim ng batas, tanging ang commissioner o isang awtorisadong indibiduwal lamang ang puwedeng mag-isyu ng alert order.
AR/ DWIZ 882