Inilagay sa pinakamataas na alert status ang Mount Semeru sa Indonesia matapos nitong sumabog at magpakawala ng abo na aabot sa 15 kilometro.
Ayon sa mga otoridad, walang napaulat na nasawi matapos ang naganap na pagsabog at wala rin itong naging epekto sa air travel ngunit bilang pag-iingat ay inabisuhan na nila kaugnay dito ang dalawang regional airports.
Sinabi naman ng tagapagsalita ng Disaster Mitigation Agency ng Indonesia na si Abdul Muhari na sinimulan na nilang ilikas ang nasa 2,000 mga residente na malapit sa bulkan sa East Java Province.
Ipinagbawal na rin ng regional administration ang mga aktibidad malapit sa Mount Semeru.
Matatandaang sumabog ang Mount Semeru noong nakaraang taon kung saan mahigit 50 indibidwal ang nasawi.