Pinigilang makalabas ng bansa ang Mayor ng Hadji Muhtamad , Basilan na si Jamar Abdula Mansul sa NAIA o Ninoy Aquino International Airport na papunta sanang Kuala Lumpur, Malaysia Lunes ng umaga.
Ayon kay Bureau of Immigration’s port operations division head Red Marinas, kabilang si Mansul sa listahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ng mga opisyal na sangkot sa operasyon ng illegal na droga.
Maliban dito , kabilang din ang alkalde sa Martial Law Order Number 2 kung saan nahaharap ang opisyal sa kasong rebelyon.
Samantala , itinanggi naman ni Mansul ang akusasyon dahil sa katunayan aniya ay suportado niya ang kampanya ng pamahalaan kontra illegal na droga.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng National Bureau of Investigation si Mansul habang bineberipika ang alegasyon laban sa kanya.