Ibinunyag ng PDEA o Philippine Drug Enforcement Agency ang koneksyon ni Maasim, Sarangani Mayor Aniceto Lopez Jr. sa iba pang mga malalaking sindikato ng droga sa bansa.
Ayon kay PDEA Director-General Aaron Aquino, tinatayang nasa 10 hanggang 15 alkalde, gobernador at mga prominenteng negosyante ang kasama sa “green book” o “drug matrix” ni Lopez.
Nakalagay din aniya sa nasabing green book na nagkaroon ng transaksyon si Lopez sa nasawing si Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog Sr. at dating Albuera Mayor Rolando Espinosa Sr.
Giit ni Aquino, bagama’t wala sa narco-list ni Pangulong Rodrigo Duterte si Lopez, hindi ito nangangahulugang ligtas na ang alkalde sa asunto.
Nananatili naman ngayon sa kustodiya ng PDEA Region 12 si Lopez matapos itong sumuko kay Senador Manny Pacquiao at makumpiskahan ng mahigit 5 milyong pisong halaga ng illegal na droga sa isinagawang raid ng PDEA sa bahay nito noong Biyernes.
—-