Ikinagulat ni Sinacaban, Misamis Occidental Mayor Crisinciano “Cris” Mahilac ang muling pagkakasama sa ipinalabas na listahan ng narco politicians o mga politikong sangkot sa iligal na droga ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Mahilac, mismong siya na ang humiling ng imbestigasyon sa Philippine National Police – Region 10 noong 2017 nang una siyang mapasama sa narco list na ipinalabas ng pangulo, Nobyembre nang nabanggit na taon.
Aniya, nitong Pebrero lamang nakatanggap siya ng liham mula sa regional Investigation Detective Management Division ng PNP Region 10 sa ilalim ni Senior Superintendent Emmanuel Hebron.
Sinabi ni mahilac nilalaman nito ang resulta ng imbestigasyon kung saan nilinis ang kanyang pangalan mula sa anumang pagkakasangkot sa iligal na droga.
“Kasi inaasahan ko like yung binigay ng Region 10 na findings sa akin na hindi ako involved sa illegal activities lalo na sa droga. Nagulat ako ngayon, bakit until now nandyan pa rin ako sa listahan? So parang nasabi ko hindi ko lang alam kung natapos na yung pag-veverify nila nang husto kung ano man klase ng trade ng pamamalakad sa intelligence report nila.” Pahayag ni Mahilac.
Umaasa naman ang alkalde na maaayos din sa lalung madaling panahon kung nagkaroon man ng problema sa proseso ng PNP para malinis ang kanyang pangalan.
“Maaaring hindi pa na-forward sa PDEA or sa DILG, or something pero may hawak eh di ba ng DILG? So hindi ko alam kung ano ang nangyayari sa proseso, ang akin lang may pamilya tayong naapektuhan.” Ani Mahilac.
DILG inihahanda na ang mga kasong isasampa laban sa mga local officals
Inihahanda na ng DILG o Department of Interior and Local Government ang mga kasong isasampa nila laban sa mga lokal na opisyal ng pamahalaan na napabilang sa ipinalabas na narco list ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay DILG Undersecretary Martin Diño, patung patong na kasong administratibo at kriminal ang kanilang ihahain sa tanggapan ng Ombudsman laban sa mga tinukoy na narco politicians.
Binigyang diin ni Diño, mahigpit na dumaan sa validation ang 66 na pangalan ng mga politikong sangkot umano sa iligal na droga na unang inilabas ni Pangulong Duterte.
Kasabay nito, hinimok ni Diño ang mga nasabing politiko na kaharapin na lamang ang mga kasong isasampa laban sa kanila sa korte.
“Kaya pag-sinampa yung kaso sa kanila ‘yun ang pagkakataon para sabihin nila walang basehan itong mga alegasyon laban sa kanila. Ito yung proper venue para at least malinis nila yung pangalan nila. Hindi naman ito bago, actually, during the last barangay election, naglabas na tayo ng ganito at wala naman pinpiling panahon alam naman yung campaign against illegal drugs intensified ito.” Pahayag ni Sec. Diño.