Umapela si Navotas City Mayor Toby Tiangco sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na muling mapasailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) ang lungsod.
Ito ay sa gitna na rin aniya ng patuloy na pagtaas ng naitatalang kumpirmadong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Navotas City.
Ayon kay Tiangco, bukod sa mga kumpirmadong kaso, aabot pa sa 900 mga hinihinalang nahawaan ng COVID-19 ang nakabinbin at hinihintay pa ang resulta ng kanilang pagsusuri.
Iginiit pa ni Tiangco, kapuna-puna rin ang pagdami ng mga taong lumalabas ng kanilang mga tahanan magmula ng maibaba sa sa modified ECQ ang Navotas City.
Dahil dito, nangangamba si Tiangco na lalo pang dumami ang kaso ng COVID-19 sa kanilang lungsod at hindi na kayaning asikasuhin ng mga health workers at ng kanilang quarantine facility.