Pumanaw na ang alkalde ng bayan ng Rosario sa Cavite na si Mayor Jose “Nonong” Ricafrente.
Batay sa ulat, nasawi ang alkalde noong Biyernes, Disyembre 11 sa edad na 72.
Sa kasalukuyan, wala pang ipinalalabas na opisyal na pahayag ang pamilya Ricafrente bagama’t nagpa-abot na ng pakikiramay ang lokal na pamahalaan ng Rosario sa pamamagitan ng isang Facebook post.
Gayundin, ilang mga opisyal ng Cavite ang nagpaabot na rin ng pakikiramay at kanilang pagkilala sa pumanaw na alkalde.
Kabilang dito si Cavite Vice Governor Jolo Revilla na nagpasalamat sa yumaong alkalde para sa ibinigay na suporta sa kanya at hindi matatawarang paglilingkod sa bayan sa Rosario.
Nagpaabot rin ng pakikiramay sa pamilya Ricafrente si Senador Ramon Bong Revilla Jr., Kawit Cavite Mayor Angelo Emilio Aguinaldo at ang Philippine Red Cross Cavite Chapter kung saan naging dating miyembro ng board of directors ang alkalde.
Samantala, nakatakda naman pumalit kay ricafrente ang kanyang anak at vice mayor ng Rosario na si Voltaire Ricafrente III habang magiging vice mayor naman ang number 1 councilor na si Antonio Mao Luna.