Sugatan ang alkalde ng Tagapul-an, Samar matapos barilin ng hindi pa nakikilalang salarin.
Kinilala ang biktima na si Mayor Vicente Limpiado Jr., nasa hustong gulang, at nakatira sa naturang lugar.
Sa imbestigasyon, nakatayo ang alkalde malapit sa kanyang farm sa Brgy. Sugod nang lapitan ng salarin at pinaputukan bago mabilis na tumakas.
Agad na dinala sa pinakamalapit na ospital si Limpiado at kasalukuyan itong nilalapatan ng lunas.
Samantala, inatasan naman ni PNP chief PGen Archie Gamboa ang mga kagawad ng Police Regional Office 8 PRO-8 na resolbahin sa lalong madaling panahon ang pamamaril upang makamit ng biktima ang hustisya sa kanyang sinapit.