Ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang all-out war laban sa teroristang grupong nasa likod ng malagim na pagpapasabog sa Our Lady of Mt. Carmel Cathedral sa Jolo, Sulu.
Ayon kay Western Mindanao Command Spokesperson Col. Gerry Besana, inihayag mismo ni Pangulong Duterte ang nasabing kautusan sa harap ng mga sundalo kasabay ng pagbisita nito sa Jolo Sulu matapos ng nangyaring pagsabog doon.
Aniya, inatasan sila ng Pangulo na habulin ang grupong nasa likod ng pag-atake at bigyan ng hustisya ang mga biktima ng insidente.
Samantala, sinabi ni Jolo Mayor Kherkar Tan na nagkasa na ng manhunt operations ang pulisya laban sa apat na lalaking nakunan ng CCTV bago ang pagsabog sa cathedral at itinuturing na persons of interest.
AFP hindi pinatulan ang pag-ako ng ISIS sa pagpapasabog sa Jolo
Isinasantabi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang posibilidad na Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) ang nasa likod ng madugong pagpapasabog sa Jolo Sulu.
Ito ay matapos na akuin ng ISIS ang nangyaring kambal na pagsabog sa Our Lady of Mt. Carmel Cathedral kamakalawa.
Ayon kay AFP Spokesman Brig. General Edgard Arevalo posibleng bahagi lamang ng propaganda ng ISIS ang ginawa nitong pag-ako sa nasabing madugong pagsabog.
Aniya, dati nang ginagawa ng ISIS ang pagkukunwaring sila ang may pakana sa ilang mga nagaganap na insidente tulad ng nangyari noon sa Resorts World.
Batay sa post ng website na site intelligence group, inamin ng Islamic State East Asia Province na dalawa nilang miyembro umano ang nasa likod ng suicide bombing sa cathedral sa Jolo.
—-