Bukas ang kampo ni Senador Grace Poe sa alok ni Senador Bongbong Marcos na magpa-DNA test bilang tulong sa senadora.
Ayon kay Atty. George Garcia, abogado ni Senador Poe, welcome sa kanila ang anumang tulong para mapatunayang natural born Filipino o Pilipino ang mga magulang o kahit isa sa magulang ni Poe.
Matatandaan na tila naging urband legend na, na si Poe ay anak ng yumaong dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Gayunman, sinabi ni Garcia na kahit wala ang DNA test ay kaya naman nilang patunayan na natural born citizen si Senador Poe.
Sa katunayan, hindi naman aniya hiningi ng korte o ng mga naghain ng kaso na magpa-DNA test si Senador Poe kundi kusang loob ito sa kanilang panig.
Una rito, nag-negatibo ang DNA test ni Poe at ng anak ni eduardo militar, ang taong nakapulot sa kanya sa simbahan ng Iloilo.
“Lahat po ng nagvo-volunteer na maaaring sa palagay nila ay kamag-anak nila si Senator Grace Poe ay wala pong problema sa amin, welcome po sa amin, definitely po kami ay nagpapasalamat sa kanila.” Pahayag ni Garcia.
By Len Aguirre | Ratsada Balita