Ibinasura ng Malakanyang ang alok na tulong ng CPP – NPA o Communist Party of the Philippines – New People’s Army sa paglaban sa Maute – ISIS Group sa Marawi City.
Kasama sa alok na tulong ng rebeldeng grupo ay ang kondisyon na tanggalin ang idineklarang martial law sa Mindanao.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, hindi dapat na naglalatag ng kondisyon ang CPP – NPA kung sinsero nga ito inaalok nitong tulong sa gobyerno.
Iginiit ni Abella na kung talagang seryoso sa pagkamit ng kapayapaan ang CPP – NPA ay dapat itong manindigan sa tinatawag na common enemy ng walang inilalatag na kondisyon.
Bukod sa pagbawi sa martial law, inihirit din ng naturang grupo na bawiin ng gobyerno ang ipinatupad na all out-war laban sa kanila.
AFP itinangging may mahigit 1,200 ISIS members sa PH
Itinanggi ng AFP o Armed Forces of the Philippines ang ulat ng Indonesia na mayroong mahigit isanlibo dalawandaang (1,200) ISIS member sa Pilipinas.
Ayon kay ayon kay AFP Chief of Staff General Eduardo Año, pinagsama-sama lamang ng Indonesia ang bilang ng mga miyembro ng Maute Group, Abu Sayyaf, Bangsamoro Islamic Freedom Fighters at Ansar Al-Kalihah Philippines.
Magugunitang inihayag ni Indonesian Defense Minister Ryamizard Ryacudu noong June 4 na nasa Pilipinas ang higit isanlibo dalawandaang (1,200) ISIS fighters kabilang ang apatnapung (40) nagmula sa kanilang bansa.
By Rianne Briones / Drew Nacino