Sa gitna ng umiinit na panahon at patuloy na pagbaba ng water level sa Angat Dam, Bulacan, hindi muna magbabawas ng alokasyon ng tubig ang National Water Resources Board (NWRB).
Ayon kay NWRB Executive Director Sevillo David, Jr., hindi pa rin nawawala ang COVID-19 at batid nilang kailangan ang sapat na suplay ng tubig sa mga kabayahan upang mabawasan ang banta ng sakit.
Hanggang kahapon ng ala sais ng umaga, bumaba pa sa 192.43 meters ang lebel ng tubig sa angat kumpara sa 192.78 noong Miyerkules, pero malayo pa rin ito sa high water level na 210 meters.
Ang critical level ng nabanggit na water reservoir ay 160 meters habang ang normal operating level nito ay hanggang 180 meters.
Sa Angat Dam nagmumula ang 90% water supply sa Metro Manila at mga karatig lugar at pinagkukunan ng tubig sa mga sakahan sa Pampanga at Bulacan.
Samantala, tiniyak ni David na gumagawa na sila ng mga hakbang upang matulungan ang mga magsasaka sa posibleng epekto ng patuloy na pagbaba ng tubig sa dam.