Panahon na umano para ipatupad ang batas para sa “telecommuting” o alternatibong workplace sa mga empleyado.
Ito ang iginiit ni Quezon City Rep. Alfred Vargas sa gitna ng banta ng COVID-19.
Ayon kay Vargas, dapat ay magkaroon na ng ibang lugar kung saan maaaring dalhin ng isang manggagawa ang kaniyang trabaho gaya sa tahanan gamit ang telecommunications o computer technology.
Sinabi ni Vargas na sa pamamaraan aniya na ito mas makasisiguro ang mga empleyado na sila ay malayo sa posibleng exposure ng virus kung sila ay mananatili na lamang sa kanilang bahay.
Paliwanag pa ni Vargas, bagama’t ang orihinal na layunin ng kaniyang iniakdang panukalang batas ay para tugunan ang problema sa matinding trapiko sa Metro Manila, maaari rin aniya itong magamit para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa bansa.