Halos mapikon si House Speaker Pantaleon Alvarez sa mga pagkuwestyon sa babala niyang tanggalin sa kanilang mga posisyon sa Kongreso ang mga kaalyado nilang kokontra sa pagpapanumbalik sa parusang kamatayan.
Sa panayam ng Karambola sa DWIZ kay Alvarez, binigyang diin nito na malaya ang sinumang mambabatas na sundin ang kanyang konsensya sa pagboto sa death penalty bill subalit, malaya rin siya bilang speaker of the house na gamitin ang kapangyarihan niyang tanggalin ang mga hawak nilang posisyon at komite.
Ayon kay Alvarez, hindi matatawag na undemocratic at pambabraso ang babala niya sa mga kaalyadong kongresista dahil hindi magandang tignan na sumasalungat sa posisyon ng liderato ang mga kongresista na naturingang mga lider sa Kamara.
Kasabay nito ay itinanggi ni Alvarez na tinanggal na niya bilang deputy speaker si dating Pangulong Gloria Arroyo dahil sa posisyon nito kontra sa death penalty bill.
Maliban kay Arroyo, nanganganib ring masibak bilang deputy speakers dahil sa pagtutol sa death penalty sina Congressman Rolando Andaya at Miro Quimbo.
Bahagi ng pahayag ni House Speaker Pantaleon Alvarez
Rebellion?
Kaugnay nito, minaliit din ni Alvarez ang di umano’y planong pagkudeta sa kanya ng mga kongresista.
Ayon kay Alvarez, walang problema sa kanya kahit pa may magsulong na mapalitan siyang House Speaker.
Kasabay nito, itinanggi ni Alvarez na tanging si dating Pangulong Gloria Arroyo ang target ng kanyang babala na tatanggalin sa posisyon ang mga deputy speakers at committee chairmen na tutol sa death penalty bill dahil ang dating Pangulo ang itinutulak na maging bagong House Speaker.
Sinabi ni Alvarez na posibleng biktima lamang ng tsismis si Arroyo ng mga gustong mang intriga sa mga mambabatas.
Matatandaan na mismong si Ginang Arroyo ang nagpatanggal sa death penalty law noong nakaupo pa itong Pangulo ng bansa.
By Len Aguirre | Karambola (Interview)
(Catch it weekdays 8:00-9:30 in the morning with Jojo Robles, Conrad Banal, Jonathan dela Cruz and Prof. Tonton Contreras)