Mayroon nang nabuong tactical alliance ang Abu Sayyaf Group, Maute Group at grupong Ansar Al Khilafa Philippines.
Ayon kay Philippine Army Chief Lt. Gen. Eduardo Anio, batay sa nakuha nilang intelligence report, nakipag-alyansa ang grupo ni Abu Sayyaf Leader Radulan Sahiron sa Maute Group at Ansar Al Khilafa Philippines.
Bukod sa tactical alliance, sinabi ni Anio na mayroon ding working relationship ang 3 grupo kung saan naghihiraman ang mga ito ng tauhan at kagamitan lalo na ang mga ginagamit na bomba.
Kaya aniya hindi maaaring basta sabihing kagagawan lamang ng mga bandidong Abu Sayyaf ang pagsabog sa night market sa Davao City.
Ipinabatid pa ni Anio na sa ngayon ay may mga lead na sila sa nangyaring Davao bombing bagamat hindi aniya niya ito maisasapubliko.
By Judith Larino | Jonathan Andal (Patrol 31)