Beniberipika na ng militar ang ulat ng pakikipag-alyansa ng komunistang grupong NPA o New People’s Army sa extremist group na BIFF o Bangsamoro Islamic Freedom Fighters.
Ayon sa isang security official, bagama’t patuloy pa nilang bineberipika ang binuong alyansa ng NPA at BIFF, hindi anya malayong maging totoo ang ulat dahil tiyak na ayaw nang maulit ng dalawang grupo ang nangyari sa mga Maute sa Marawi City.
Dagdag pa ng opisyal, isang patunay ng posibleng alyansa ay ang nangyaring pananambang ng NPA sa grupo ng mga Philippine Marines sa bahagi ng Maguindanao kung saan matindi ang operasyon ng BIFF.
Tinitignan din ng militar ang ulat na muling pagbuhay ng NPA sa kanilang sparrow unit na target ang pag-likida sa ilang mga opisyal ng pamahalaan.
Kapuna-puna ang pag-dami ng mga aktibidad ng NPA sa mga pangunahing lungsod sa bansa tulad ng Metro Manila.