Ikinabahala ng grupong Alyansa Tigil – Mina, ang pagtatalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte kay General Roy Cimatu, bilang kalihim ng DENR o Department of Environment and Natural Resources.
Sinabi ni Alyansa Tigil – Mina National Coordinator Jaybee Garganera, ito ay dahil sa pagiging dating militar ni Cimatu at maaring marami pa itong kailangang pag – aralan pagdating sa mga usaping pangkalikasan.
Mainam din aniyang mabigyang linaw ang ilang kasong paglabag sa karapatang pantao sa Mindanao, noong 1980’s, gayun din ang pagbibigay proteksyon sa mga logging company.
“Meron hong pangamba kasi yung background niya po eh military. Dati po ay yung yumaong Reyes, hindi po maganda yung naging karanasan namin, sa pagkakaalam eh sila ang nag provide ng security sa mga company ng Alsons pero late 80’s po ito or early 90’s, tapos meron din po siyang mga records 70 plus na napatay na mga katutubo nung mga late 80’s ito, di pa siya Southern Command noon eh pero under niya po yung battalion na yun”, ani Garganera.
Sa kabila nito, nakahanda naman aniya silang bigyan ng pagkakataon si Cimatu na pamunuan ang DENR.
“Di po kami kumbinsido dun na ipapagpatuloy nya lahat ng sinimulan ni Gina Lopez pero sana nga eh ipagpatuloy niya ito, hindi po kami sarado na makipag-ugnayan sa kanya pero hanggat hindi niya po nailalatag yung mga programa niya, mga prayoridad niya, mananatili po kaming hindi kumbinsido”, bahagi ng pahayag ni Garganera sa panayam ng DWIZ.
By Katrina Valle | Balitang Todo Lakas (Interview)
Photo Credit: Alyansa Tigil-Mina Facebook Account