Katulad ng ibang magulang, nais ng isang ama mula sa Cabanatuan City na mabigyan ng hindi makakalimutang kaarawan ang kanyang anak.
Dahil sa kahilingan nitong makakain ng lechon manok sa kanyang birthday, nagtungo ang ama sa isang grill house.
Ngunit nang malamang P270 ang presyo nito, napanghinaan siya ng loob dahil halos pang-isang araw na niya itong sahod bilang construction worker.
Ayon sa may-ari ng grill house na si Jacqueline Quibuyen, nagtanong ang ama kung maaari ba siyang mabigyan ng discount dahil P450 lamang kanyang sahod kada araw at nais niyang mabigyan ng handa ang anak.
Nang marinig ang kwento, agad na nagbalot si Jacqueline ng dalawang lechon manok. Hindi na niya kinuha ang bayad ng ama.
Laking tuwa naman ng ama sa biyayang natanggap.
Sa kanyang social media post, nanawagan si Jacqueline sa mga kapwa negosyante na bigyan ng discount ang mga nangangailangang customer upang makatulong kahit papaano.
Dahil sa munting kabutihan na ipinakita ni Jacqueline, isang anak ang nagkaroon ng handa sa kanyang kaarawan na tunay na nagpasaya sa kanyang amang lubos na nagmamahal sa kanya.