Hindi sana dadalo ang noo’y 18-anyos na si Kaylee Suders sa senior prom ng kanyang high school sa Mercersburg, Pennsylvania.
Ilang linggo kasi bago ang okasyon, binawian ng buhay ang kanyang prom date at boyfriend na si Carter Brown dahil sa car crash.
Ngunit nabago ang desisyon ng dalaga nang makatanggap siya ng prom proposal mula mismo sa ama ng kanyang pumanaw na kasintahan.
Isang high school football coach ang noo’y 50-anyos na si Robert nang mawala ang kanyang anak na si Carter. Pitong buwan lamang bago mangyari ang aksidente, nasawi rin ang isa niya pang anak dahil sa drug overdose.
Napakasakit para kay Robert ang pagkawala ng kanyang dalawang anak. Sa kabutihang-palad, nanatili si Kaylee sa buhay nila. Lagi nitong binibisita ang bahay ng kanyang namayapang kasintahan.
Dahil dito, mas naging close ang pamilya kay Kaylee at napalakas nila ang isa’t isa sa kabila ng pinagdadaanang hamon.
At nang dumating na ang araw ng prom, naisip ni Robert na samahan ang girlfriend ng anak dito.
Ayon kay Kaylee, naramdaman niyang isa siyang prinsesa sa kanyang prom night. Higit sa lahat, napasaya nito ang pamilya ng kanyang boyfriend.
2018 pa nang mangyari ang kwentong ito, ngunit patuloy pa rin itong pinag-uusapan online, lalo na sa panahon ng Father’s Day dahil patunay ito sa pagmamahal ng isang ama.
Kahit matinding pagsubok ang hinarap ng mga mahal sa buhay ni Carter, nangibabaw pa rin ang pagmamahal at pagmamalasakit ng kanyang ama, na siyang nagbigay ng liwanag at lakas sa kanila.