Patay ang isang naarestong drug suspect at ama ng Miss World Philippines 2015 matapos magbaril sa sarili sa loob ng presinto ng pulisya sa Solano Nueva Vizcaya.
Kinilala ang nasawi na si Edmundo Parungao, ama ni Miss World Philippines 2015 Hilarie Danielle Parungao.
Sa panayam ng DWIZ kay Police Chief Inspector Billy Mangali, hepe ng Solano Police Station, inireklamo umano ni Parungao na hindi siya makahinga dahil sa asthma matapos mahuli sa drug buy bust operation sa nasabing bayan kung saan 3 sachet ng hinihinalang shabu ang narekober dito.
Aniya, nang tanggalin ang posas ni Parungao upang dalhin sa ospital ay agad nitong inagaw ang baril ng kanyang police escort, ikinasa at ipinutok sa kanyang bibig.
Isinailalim na rin sa paraffin test at autopsy ang biktima para sa malalimang imbestigasyon sa insidente.
Napag-alaman na dati nang sumuko si Parungao sa Oplan Tokhang noong 2016.
By Krista de Dios | AR | Ratsada Balita (Interview)
*Photo Credit: Nueva Vizcaya Police Crime Lab