Agad inilibing ang ama ng magkapatid na Omar at Abdullah Maute na si Engineer Cayamora makaraang masawi ito sanhi ng kumplikasyong dulot ng high blood pressure.
Alas-7:15 kagabi nang ilabas sa pasilidad ng BJMP o Bureau of Jail Management and Penology sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City ang labi ni Cayamora kasama ang pamilya nito.
Idinaan muna ang labi ni Cayamora sa Grand Golden Mosque sa Quiapo Maynila upang alayan ng panalangin saka agad dinala sa Himlayang Liwanag ng Kapayapaan sa Norzagaray, Bulacan upang ilibing.
Alinsunod sa relihiyong Islam, hindi dapat abutan ng pagsikat ng bagong araw ang labi ng isang namatay kaya’t dapat itong maihimlay bago pa man lumubog ang araw o habang gabi.
Ayon kay BJMP Spokesman Senior Xavier Solda, dumaing umano si Cayamora ng hirap sa paghinga at panghihina ng katawan alas-4:30 pa lang kahapon ng madaling araw kaya’t tinutukan na ito ng mga nurse sa naturang pasilidad.
Tanghali nang muling dumaing si Cayamora ng hirap sa paghinga kaya’t isinailalim pa ito sa nebulization at sinportahan na ng oxygen upang makahinga ng maluwag.
Ngunit batay sa ulat ng nurse na tumingin kay Cayamora, nakapagtala ito ng sobrang taas ng blood pressure na siyang dahilan upang isugod ito sa ospital.
Pasado alas-3:00 kahapon ng hapon nang makarating si Cayamora sa Taguig-Pateros District Hospital ngunit idineklara nang dead on arrival ng mga sumuring doktor.
Si Cayamora ay ang patriyarka o haligi ng pamilya Maute na siyang utak umano ng nangyaring gulo sa Marawi City.
By Jaymark Dagala / (Ulat ni Gilbert Perdez)