Ibinunyag ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) na sangkot din umano sa pagpatay sa isang Filipino-Chinese Businessman si Joel Sanvicente, ama ng nag-viral na SUV driver na nanagasa ng isang security guard sa Mandaluyong City, kamakailan.
Ayon kay VACC President Arsenio “Boy” Evangelista, naakusahan si Sanvicente na pumatay sa isang lalaki sa harap ng ATM booth sa Katipunan Avenue, Quezon City noong Hunyo a-11 1995.
Si Joel Sanvicente aniya na kinasuhan sa pagpatay kay Wong at ama ng viral SUV driver na si Jose Antonio Sanvicente, ay iisang tao.
Batay sa record ng Korte Suprema, binaril umano ni Sanvicente si Wong matapos siyang tangkaing pagnawakan ng malaking pera na kaka-withdraw lamang niya mula sa ATM.
Ipinakita rin sa record ng Korte Suprema na ang isinuko ni Joel Sanvicente na Cal. 45 sa pamamagitan ng kanyang abogado, ay tumugma sa mga slug at shell na natagpuan sa lugar ng krimen.
Noong Agosto 29, 1996, naghain ng ‘motion to dismiss’ ang kampo ng akusado dahil sa kawalan ng positibong pagkakakilanlan sa pumatay kay Wong.
At noong Oktubre 7, 1996, naglabas ng kautusan ang trial court na nagbabasura sa kaso ni Sanvicente dahil sa kakulangan ng ebidensya.