Itinanggi ng ama ni Kian Loyd Delos Santos na isa siyang drug addict at drug supplier at nagsisilbing drug courier niya ang napatay na anak.
Binigyang diin ni Saldy Delos Santos, ama ni Kian na napakalabo ng paratang sa kanya ni PNP o Philippine National Police Chief Director General Ronald dela Rosa.
Ayon kay Mang Saldy, handang sumalang sa drug test ang kanyang pamilya para patunayan na inosente sila sa paratang sa kanila ng PNP Chief.
Hindi na aniya magpapakahirap magtinda ng tinapa ang anak na si Kian kung may kinalaman sila sa illegal drug trade at wala ring makikisimpatiya sa kanila na mga kapitbahay na tulad ng nararanasan nila ngayon.
Kasabay nito ay umapela si Mang Saldy kay Dela Rosa na maging patas at kaawaan ang nangyaring pagpatay ng mga pulis sa kanyang anak.
PNP Chief
Aminado si PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa na hindi siya 100 porsyentong sigurado na hindi na mauulit ang kahalintulad na insidente ng pagpatay ng pulis sa 17-anyos na si Kian Lloyd Delos Santos.
Binigyang diin ni Dela Rosa na hindi naman siya Diyos na kayang kontrolin ang lahat ng sitwasyon.
Fluid aniya ang sitwasyon kapag mayroong police operations kaya’t mahirap kontrolin ang mga mangyayari.
Kasabay nito, nanindigan si Dela Rosa na kasama ang pangalan ni Kian Lloyd sa listahan na pinagbasehan ng police operations kung saan siya napatay dahil matagal nang sumisingaw ang pangalan nito bilang drug courier sa lugar.
Nanindigan si Dela Rosa na hindi nagsasagawa ng operations ang pulisya nang walang pinagbasehan.
Gayunman, nang tanungin kung bakit wala sa drugs watchlist ang pangalan ni Kian Lloyd, sinabi ni Dela Rosa na hindi agad nailalagay sa watchlist ang isang pangalan kung ngayon pa lamang nalalantad.
Tumanggi naman si Dela Rosa na sagutin kung bakit nakita sa kanang bahagi ng kamay ang di umano’y baril ni Kian Lloyd gayung left handed ang binatilyo.
Ipinaubaya na rin ni Dela Rosa sa Caloocan Police ang pagsagot kung bakit hindi dinadampot ang ama at tiyuhin ni Kian Lloyd kung totoo na sila mismo ang drug user at supplier at courier lamang nila ang napatay na binatilyo.
By Len Aguirre