Positibo ang pananaw ng pamilya ni Mary Jane Veloso na bubuksan ni Pangulong Bongbong Marcos ang kaso ng naturang Pinay na nasa death row sa Indonesia, kay Indonesian president Joko Widodo.
Ito ang inihayag ni Cesar Veloso, ama ni Mary Jane, sa gitna ng kauna-unahang official foreign trip ni PBBM.
Ayon sa nakatatandang Veloso, umaasa silang matatapos na ang kaso ni Mary Jane, na 12 taon nang nakapiit.
Nananalangin din anya sila na mabibigyan o kung hindi man ay mababanggit ni Pangulong Marcos kay Widodo ang issue ng clemency upang makalaya ang anak.
Taong 2015 nang bigyan si Mary Jane ng reprieve sa kanyang Death Sentence matapos ang last minute appeal ni dating Pangulong Noynoy Aquino kay Widodo na payagang tumestigo ang nakababatang Veloso laban sa kanyang mga recruiter.