Isang malagim na balita ang sumalubong sa isang ama sa Gaza.
Umalis sandali ang ama na si Mohammed Abu Al-Qumsan upang kumuha ng birth certificates ng kanyang kambal na anak. Ngunit pagkauwi niya, nalaman niyang binomba na ng Israel ang kanilang tinutuluyan—at kasama sa mga nasawi ang kanyang asawa, biyenan, at mga bagong silang na anak.
Apat na araw bago mangyari ang insidente, isinilang ang kambal na sina Asser at Ayssel.
Labis ang pagkatuwa ng kanilang mga magulang. Sa katunayan, nakapag-post pa sa social media ang ina at sinabing miracle ang kambal.
Ngunit ang sayang naramdaman ni Abu Al-Qumsan, mabilis na napalitan ng pighati dahil sa pag-atake ng Israel sa kanilang apartment sa Deir Al-Balah sa Gaza Strip.
Nang malaman ang nangyari sa kanyang pamilya, wala nang nagawa ang ama kundi humagulgol at sa kalaunan, kargahin ang kanyang mga anak na nakabalot na sa puting tela.
Hindi na bago ang ganitong tanawin sa Gaza dahil sa isinasagawang operasyon ng Israel laban sa grupong Hamas.
Ayon sa Ministry of Health, nasa 115 na bagong silang na sanggol ang napatay na dahil sa hindi humuhupang pagbomba ng Israel sa Gaza.
Halos 40,000 Palestinians na rin ang nasawi, kabilang ang higit sa 16,000 na mga bata.